Saturday, February 17, 2007

Pahiram Ng Valentines

Nung bata ako laging sinasabi sa akin na huwag daw akong kukuha ng isang bagay na hindi ko pagmamay-ari. Matuto raw akong magbalik sa may-ari ng mga gamit na aking hiniram. Humingi daw ako ng pahintulot sa may-ari bago ko kunin ang isang bagay na hindi sa akin. Kapag pumayag daw ang may-ari, maaari ko nang gawin kung anu man ang aking naisin. Ngunit huwag ko lang daw kakalimutan na alagaang maigi upang hindi ito masira, dahil nga hindi ito sa akin. Kapag hindi naman pumayag ang may-ari, matutunan ko daw ang pagtanggap sa pagtanggi ng may-ari na ipahiram ang gamit na aking hinihiram. Hindi raw sa lahat ng oras lagi akong mapagbibigyan. Hindi raw sa lahat ng oras ako ang masusunod. Hindi raw sa lahat ng oras ako ang panalo. At dapat matutunan ko ang tamang asal ng pagtanggap sa mga pagkakataong ako’y pagkaitan ng mga bagay na aking ninanais. Kung may pagkakataon, minsan daw pwede ko ulit tanungin ang may-ari kung maaari ko na bang hiramin ang bagay na minsang itinanggi sa aking ipahiram. Kung mangyari daw ito, matuto daw akong magpasalamat. Sa lahat daw ng pagkakataon, matuto daw akong magpasalamat----ipahiram man sa akin o hindi. Pasasalamat daw ang katapat ng pagpapahiram ng mga bagay na hindi mo pag-aari.

Hanggang sa aking pagtanda, lahat ‘yun ay natutunan kong gawin. Lahat ‘yun pinag-aralan kong tanggapin. Lahat ‘yun naitanim sa aking puso’t isipan. Hindi ako nang-aangkin ng mga bagay na hindi sa akin. Hindi ako kumukuha ng gamit ng walang paalam sa may-ari. Hindi ko kailan man nakalimutang magpasalamat sa may-ari, magpahiram man siya o hindi. Natutunan kong maghintay na ako’y magkaroon din ng mga gamit na aking minsang hiniram. Ngayon, halos bibihira na lang akong manghiram. Dahil sa masinop kong pagtatalaga ng sapat na halaga, mabilis kong nabibili ang mga gamit na aking kinakailangan. At kung minsan pa nga, ako na ang nagpapahiram. Nasubukan ko na ang manghiram at magpahiram. Para sa akin, kung gaano kahirap manghiram, ganun din kahirap magpahiram.

Ngayon, unti-unti ko ng natutunan na huwag maghanap ng mga bagay na wala ako---ang matutong maging kuntento. Ngunit minsan hindi talaga maiwasan, kinakailangan mo pa ring humiram. Ang sabi nga sa Math, kung cannot be, edi borrow one. Kung dati ang iniisip mo ay kung papaano ka manghihiram, ngayon nag-iba na. Pati nga ang hihiramin mo, nagbago na. Dati material lang, ngayon hindi na. Paano pag-ayaw mo ng ibalik yung hinaram mo? Paano kung masyado ka ng natuwa sa hiniram mo? Paano pag naging parte na ng buhay mo ang hinaram mo? Maari mo bang tawaging iyo ang hiniram mo habang hindi mo pa ito ibinabalik? Hanggang kailan mo balak angkinin ang hiniram mo? Hiram pa ba ang tawag mo? Pwede bang angkinin ang hiniram kung nakalimutan na siya nang may-ari? Paano kung ayaw ng bumalik ng hiniram mo? Paano kapag gusto ng bumalik ng hiniram mo sa tunay na may-aari pero gusto mo pa? Paano kung tila nakalimutan mo na nanghiram ka lang pala?

Isa lang ang alam kong sagot, ang hiniram ay dapat ibalik. Masakit man ngunit kailangang tanggapin----maging material man o di material, maging bagay man o tao, oras man o damdamin. Ang isang hiniram ay hindi maaaring permanenteng ariin ng humiram, liban na nga lang kung ibigay o bitawan na ito ng may-ari. Tulad ng sabi nila, kung para sa’yo, para sa’yo talaga. Di mo na kailangang humiram. Di mo na kailangang ariin. Ito’y kusang mapupunta sa’yo.

Sabi nga nila, paano mo aariin ang isang bagay na kailan ma’y di naging iyo?

-----------------------------------------------------------------------------------------
Maraming Salamat.
DISCLAIMER: This post is inspired by my friend's story. Nothing personal. Really. ;0)