Wednesday, June 06, 2007

Hindi Uubra

Sadyang may mga bagay o sitwasyon sa ating buhay na kahit anung pilit nating gawin o pagsamahin ay hindi pa rin uubra. Kahit anung gustuhin nating gawin o makamit ang isang bagay, kung hindi tama ang panahon upang atin itong makamit, hindi rin uubra. Kahit anung gustuhin nating pagsamahin ang mga tao o bagay na gusto nating pagsamahin, kung hindi naman angkop ang kanilang pagsasama at hindi rin naman nila gustong magsama, hindi rin uubra. Kahit anung gustuhin nating magawa ang isang adhikain, kung hindi naman natin kayang panindigang tapusin, hindi rin uubra. Kahit anung pilit, kung hindi aayon o tatama, hindi rin uubra.

Parang kapag gusto mong magsasak ng isang 220V na gamit sa isang 110V na plug, sasabog lang ito---hindi rin uubra. Parang kapag naghihintay ka na magkaroon ng snow dito sa Pilipinas tuwing sasapit ang Disyembre, mamumuti lang ang mata mo kakahintay---hindi rin uubra. Parang kahit gusto mong pumunta sa ibang bansa pero wala ka namang passport, mapapagod ka lang kakaplano ng mga gagawin mo pagdating mo dun hindi ka pa rin makakaalis---hindi rin uubra. Parang kapag gusto mong lunurin ang sarili mo sa isang drum ng tubig, marami ka ng nasayang na tubig hindi ka pa rin malulunod---hindi rin uubra. Parang kapag gusto mong yumaman kahit pahila-hilata ka lang sa bahay, magugunaw na ang mundo, hindi ka pa rin yayaman---hindi rin uubra. Parang kapag gusto mong magkaroon ng girlfriend pero hindi ka naman nanliligaw panay pa-cute lang, tuyot ka na hindi ka parin magkakagirlfriend---hindi rin uubra. Parang kapag gusto mong magkaroon ng boyfriend pero hindi ka naman nag-aayos ng sarili mo o nagpapaganda man lang, nasa menopausal stage ka na hindi ka pa rin nagkakaboyfriend---hindi rin uubra. Parang kapag gusto mong pagsamahin ang dalawang mortal na magkaaway sa isang party, mauubusan ka lang ng load at laway hindi rin sila pupunta o kung pumunta man mauuna nang umuwi ang isa at hindi rin sila magpapang-abot---hindi rin uubra. Parang kapag gusto mong ibalik ang mga past memories mo kasama ang mga taong naging parte ng buhay mo pero hindi mo na sila mahagilap o wala ka ng communication sa kanila, uugatin ka lang kakahintay sa kanila hindi mo rin sila makikita---hindi rin uubra. Parang kapag gusto mong pagsamahin ang bagoong at ketchup sa spaghetti---hindi uubra. Parang kapag gusto mong magpafiesta at maghanda ng baboy o dinuguan pero ang mga bisita mo ay Muslim o mga miyembro Iglesia Ni Cristo, mapapanis lang ang mga pagkain wala ring kakain nito---hindi rin uubra. Parang kapag gusto mong magkaroon ng engrandeng hagdanan sa bahay mong bungalow, mawawasak ang bahay mo hindi pa rin alam kung saan ilalagay ang hangdanan na pinagwa mo---hindi rin uubra. Napakarami pang mga bagay na kahit anung gustuhin o pilit nating makamit o pagsamahin ay hindi pa rin uubra.

Madalas common sense na lang ang dapat pairalin upang lubusang maunawaan na may mga bagay, tao, pangyayari o adhikaing kahit anung pilit nating makuha, mapagsama, magawa o makamit ay hindi pa rin uubra. Ang pagtanggap sa mga pangyayaring ito ay isang hakbang upang lubos na maunawaan ang tunay na halaga ng oras, ang ibig sabihin ng pagrespeto sa damdamin ng mga tao, ang katuturan ng paghihintay, ang bisa ng panalangin at ang kapangyarihan ng Diyos sa buhay natin. Minsan hindi mo na kailangang pilitin o sadyain na makuha ang isang bagay o mapagsama ang mga tao o maganap ang isang pangyayari o makamit man ang isang adhikain. Kusa itong mangyayari. Kusa itong magaganap. At sa oras na iyon, mas magiging angkop ang kakalabasan at magiging tama ang lahat.

Law of Impenetrability says no two bodies can occupy the same space at one and the same time. Mahirap ang ipagpilitan ang mga bagay na dapat tinatanggap na lang. Kaduwagan ang kalabanin ang oras o panahon na dapat sinusulit na lang. Kabaliwan ang kalabanin ang kalooban ng Diyos sa buhay natin.

Yugyugin ang sarili. Matutong umayon sa dapat ayunan. Hindi lahat ng gustuhin natin ay atin itong makakamit o matutupad. Ang lahat ng bagay o pangyayari na nagaganap sa ating buhay ay may dahilan---may kahulugan. Ito ay sang-ayon sa kalooban ng Diyos para sa atin. Ang Kanyang kalooban ay mabuti at sapat. Huwag nang pag-aksayahan ng lakas o pag-iisip ang mga bagay na dapat ay ibinibigay na lamang sa Kanya.

Let go and learn to enjoy!

May mga laban na dapat nilalabanan. At may mga laban na hindi na dapat nilalabanan. Matutong pumili ng tamang laban. Matutong sumuko. Matutong tumanggap. Matutong manalangin. Matuto sa buhay. Matuto sa mga bagay na hindi uubra.

*Mahirap pa lang maging nega-star. Hindi ata sa akin uubra. Hehe..
-----------------------------------------------------------------------------------------
*Ito ay inspired realizations ko habang nag-dridrive ako ng kotse pauwi habang nasasaid na ang gas na akala ko aabot pa. Haayy.. Buti nakaabot ako sa bahay namin bago maubos. Hehe. Thank God!

4 comments:

Anonymous said...

hahaha. maraming taong mahilig magpilit. ako rin paminsan. hahaha. =)

jaja

afg said...

hehe.. ganun talaga.. parang halos lahat naman ganun. lalo na yung mga sumisingit na motorsiklo pag-traffic.. grr..

juliusmarzan said...

aii parang ayaw ko ng mga nega-star!!!! haha. salamat sa pagremind na may mga bagay talgang di uubra. hala. haha.

afg said...

heheh.. sinubukan ko lang.. hindi pala uubra. hehe..
sure.